Monday, March 16, 2009

Manikin na gumagalaw ng Manila COD

Inaabangan taun-taon ang kinagigiliwang Christmas display ng mga gumagalaw na manikin sa Greenhill Shopping Complex sa San Juan City. Pero alam nyo ba na ang palabas na ito tuwing Pasko ay nagsimula lamang bilang gimik upang bumenta ang isang maliit na tindahan sa Maynila.

Taong 1957 nang simulan ng pamilya Rosario na magpalabas ng gumagalaw na manikin na nakakabit sa motor ng bentilador upang makuha ang atensyon ng mga tao. Layunin nito pasukin ng tao ang kanilang tindahan sa Avenida, Recto sa Maynila na kilala noon sa tawag na Manila COD (Cash on Delivery).

Dahil nag-klik ang gimik, naisipan ng mga Rosario na gumawa ng bersyon ng palabas sa Pasko gamit ang manikin na ginawang si Santa Claus. Mula noong ay nagkaroon na ng ibat-ibang tema ang palabas ng manikin hanggang sa ilipat ang COD sa mas malaking lugar sa Araneta Center sa Cubao noong 1966.

Dito ay lalo pang pinalaki ang gimik ng gumagalaw na manikin at dinaluhan na rin ng mga kilalang artista at personalidad sa unang araw ng pagbubukas ng palabas sa kapaskuhan. Subalit dahil sa pagdami ng malalaking department store sa Cubao, hindi na kinaya ng COD ang kompetisyon at napilitan ang pamilya Rosario na isara ang kanilang establisimyento noong 2002.

Bagaman isinara ang COD, hinikayat naman ng mayamang pamilya ng Ortigas ang mga Rosario na ilipat ang kanilang Christmas mannequin show sa Greenhills Shopping Center – na nagsilbing ikatlong tahanan ng mga gumagalaw na manikin.
Source

Saturday, March 14, 2009

Pinakaligtas na kalsada

Nakababahala ang pagdami ng aksidente sa kalsada kung saan sinasabing umabot ang bilang ng sakuna sa 11,532 noong 2007. Pero alam nyo ba kung saang lalawigan makikita ang itinuturing pinakaligtas na kalsada dahil sa mababa kundi man wala talagang naitatalang aksidente sa kalye.

Batay sa talaan ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police, lubhang malaki ang itinaas ng aksidente sa mga lansangan sa bansa na mula sa 5,551 kaso noong 2002 ay umakyat sa 11,532 noong nakaraang taon.

Sa taong 2006 at 2007, sinasabing pinakamataas ang kaso ng aksidente sa lansangan sa Region XI (Davao Region), habang pinakamababa naman sa Region VI (Western Visayas), ayon sa Safety Organization of the Philippines (SOPI) batay umano sa datos ng Department of Public Works and Highways.

Sa Metro Manila, ang lungsod ng Quezon City – kung saan makikita ang Commonwealth Avenue na binansagang ‘killer highway’ dahil sa dami ng aksidente – ang naitala na pinaka-accident prone na lugar, habang pinakamababa naman sa Pateros – ang pinakamaliit na bayan sa Metro Manila.
.
Sinabing umabot sa 31,686 ang aksidente sa mga kalye sa Quezon City mula 2006-2007, kumpara sa 289 kaso sa Pateros sa kaparehong taon.
Source

Thursday, March 12, 2009

Nakabiting ataul

Kung karaniwang six-feet under the ground ang sistema ng paglilibing sa mga yumao sa Pilipinas, kakaiba ang nakaugalian ng mga naunang katutubo sa hilagang bahagi ng Luzon kung saan pataasan ang pagsabit sa ataul ng kanilang pumanaw na mahal sa buhay sa gilid ng bundok.

Isa sa mga atrasyon ng turismo sa Sagada, Mountain Province ang kanilang “hanging coffins" kung saan makikita ang mga ataul na nakasabit sa matigas na bahagi sa gilid ng bundok.

Sinabing mahigit 2,000 taon na ang tradisyon sa paglilibing sa gilid ng bundok na sinimulan ng mga ninuno ng katutubo sa Sagada. Isa umano sa paniwala sa ganitong tradisyon ay mas mataas ang pwesto, mas malapit sa kinikilala nilang Diyos.

Hanggang ngayon, may ilan pa rin nakatatanda sa Sagada ang nais na ilibing sila sa mataas na bahagi ng bundok sa halip na sa mga sementeryo.

Sa Sagada rin makikita ang paraan ng mga pagpreserba sa mga labi ng yumao o gawing “mummy" ang pumanaw. Makikita rin sa lalawigan ang isa pang tradisyon ng paglilibing dito sa pamamagitan ng pagpatong-patong ng mga ataul sa mga kweba.
Source

Tuesday, March 10, 2009

Pinakamaliit sa Metro Manila

Alam nyo ba kung anong bayan sa Metro Manila ang pinakamaliit kung pababatayan ang sukat ng lupain nito at bilang ng populasyon?

Ang Pateros na may land area na 2.1 km² (0.8 sq mi) at natitirang bayan sa Metro Manila ang hindi pa naidedeklarang lungsod. Batay sa 2000 census, ang Pateros ay mayroon lamang 57,000 populasyon.

Sa kabila nito, ang Pateros na kilala sa produktong “balot at penoy" ay pangalawa sa most densely populated sa Metro Manila na tinatayang 27,000 tao per square kilometer kasunod ng Maynila.

Ang pinakahuling idineklarang lungsod o city sa Metro Manila noong 2007 ay ang San Juan City at Navotas City. Ang iba pang lungsod sa Metro Manila ay ang Quezon City, Caloocan, Maynila, Makati, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Malabon, Paranaque, Pasay, Pasig, Valenzuela, at Taguig.
Source

Sunday, March 8, 2009

Unang National Artist sa Pinas

Kilala nyo ba kung sino ang dating cartoonist sa babasahin na pinarangalan bilang kauna-unahang National Artist ng Pilipinas dahil sa husay niyang magpinta.

Taong 1972 nang hirangin si Fernando Amorsolo, isinilang noong May 30, 1892 sa Paco, Maynila, bilang kauna-unahang National Artist for Painting sa Pilipinas.

Ngunit bago maging national artist, sinasabing nagside-line muna si Amorsolo bilang illustrator o cartoonist sa Philippines Free Press at The Independent para sa mga kwentong Lipang Kalabaw at Telembang para kumita habang nag-aaral.

Mula sa Camarines Norte kung saan sila lumaki ng kanyang apat na kapatid, iniluwas sila sa Maynila ng kanilang ina nang pumanaw ang kanilang ama. Sa Maynila, tumuloy sila sa kanilang tiyuhin na si Don Fabian de la Rosa na nakaimpluwensya umano kay Amorsolo para magpinta.

Edad 13 nang makita ang potensyal ni Amorsolo sa pagguhit. Nagsikap sila ng kanyang mga kapatid na mag-aral, hanggang makaabot sa University of the Philippines School of Fine Arts.

Lalo pang nahasa ang husay ni Amorsolo sa pagpipinta nang mabigyan siya ng grant ng isang negosyante para makapag-aral sa Academia de San Fernando sa Madrid, Spain,

Unang gantimpala na nakuha ni Amorsolo sa paggunit ay noong 1908 nang mag- 2nd place sa patimpalak ng Bazar Escolta (Asocacion Internacional de Artistas) para sa Levendo Periodico.

Ang Rice Planting naman na ginuhit ni Amorsolo ang itinuturing isa sa mga pinakamahalagang obra niya noong 1922.
Source

Friday, March 6, 2009

Bigong pagpatay sa Unang Ginang

Kilala nyo ba kung sino ang dating First Lady ng bansa na nagtamo ng mahigit 70 tahi sa braso at kamay bunga ng mga taga na inabot niya sa isang lalaking sumalakay sa kanya sa harap ng maraming tao.

Mahigit dalawang buwan mula nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Batas Militar noong September 23, 1972, sinugod ng isang lalaki na nakasuot ng damit na amerika ang si dating First Lady Imelda Marcos at inundayan ito ng mga taga.

Sinasabing naganap ang bigong asasinasyon kay Gng Marcos sa lumang Nayong Filipino habang dumadalo ito at nagkakaloob ng parangal sa isa niyang proyekto. Hindi kaagad natunugan ng mga bantay ni Gng Marcos ang masamang balak ng lalaki dahil itinago nito ang patalim sa loob ng mahabang manggas ng amerikana.

Dahil sa umiiral na batas militar, nagkaroon ng media blackout sa naturang insidente kaya hindi nagkaroon ng sapat na impormasyon ang media sa pagkakakilanlan ng suspek na napatay rin ng mga security personnel ni Gng. Marcos.

Maliban sa hinala ng militar na miyembro ng komunistang grupo ang suspek, may ilang hindi kumpirmadong ulat na nagsabing Carlito Dimailig ang pangalan nito, at nagmula siya sa lalawigan ng Batangas. Hindi rin malinaw kung saan inilagay ang kanyang mga labi.
Source

Wednesday, March 4, 2009

Alyas ni Bonifacio

Kilala ang bayaning si Andres Bonifacio sa tawag na “Supremo" sa Katipunan na lumaban sa pananakop ng mga Kastila. Pero alam nyo ba na may iba pa siyang alyas na nagsisimbulo ng kanyang positibong pananaw sa kalayaan ng Pilipinas.

Isinilang si Andrés Bonifacio noong November 30, 1863 sa Tundo, Maynila malapit sa istasyon ng tren sa Tutuban. Sinasabing tinedyer pa lang si Andres nang magkasunod na pumanaw ang kanyang magulang na sina Santiagos Bonifacio at Catalina de Castro kaya napilitan itong maghanap-buhay upang suportahan ang mga kapatid.

Hindi naglaon, naging isa sa mga lider si Bonifacio ng Katipunan kung saan binansagan siya bilang “Supremo" ng kilusan na lumaban sa mga mananakop na Kastila.

Subalit dahil sa hidwaan sa ibang grupo ng mga rebolusyunaryo na pinamumunuan ni Heneral Emilio Aguinaldo, nilitis si Bonifacio sa Cavite at paglaon ay pinatay sa kabundukan sa Maragondon kasama ang kanyang kapatid na si Procorpio.

Bago siya paslangin, pinapirma si Bonifacio sa transcript sa ginawang paglilitis sa kanya sa Cavite kung saan inilagay niya ang bansag sa kanya sa kilusan na “Maypagasa."
Source

Tuesday, March 3, 2009

Aktres sa likod ng FAMAS trophy

Ang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences o FAMAS ang pinakamatandang award-giving body sa Asya. Pero alam nyo ba kung sinong aktres ang naging modelo ng FAMAS sa ipinagkakaloob nitong tropeo kung saan ang imahe ng babae ay nakataas ang kamay at may hawak na rolyo ng negatibo sa paggawa ng pelikula?

Ang FAMAS ay itinatatag noong 1953 at nagsilbing counterpart ng award-giving body sa Amerika na Academy of Motion Picture Arts and Sciences o AMPAS. At kung may tropeo na “Oscar" ang AMPAS ng US, mayroon din syempre ang FAMAS – babae naman.

Ang aktres na si Sosa Rosal ang naging modelo ng naturang tropeo ng FAMAS kung saan hawak ng babae ang rolyo ng negatibo sa paggawa ng pelikula. Ang debuho ay idinesenyo ni Manuel Barreiro.

Ang manunulat na si Atty. Flavio G. Macaso ang naging unang presidente ng FAMAS. Habang si Art Padua naman ang kasalukuyang presidente at itinuturing longest-reigning president ng samahan.
Ngunit naging kontrobersyal ang liderato ni Padua dahil kinuwestyon ito sa korte ni Col. Jimmy Tiu hanggang sa kasalukuyan.
Source