Kilala siya sa larangan ng pulitika at binansagang ama ng Philippine “archipelagic doctrine" at eksperto sa Law of the Sea. Sino itong batikang mambabatas na siyam na araw lamang naging Bise Presidente ng Pilipinas.
Si Arturo Tolentino na isinilang noong Setyembre 19, 1910 ay naging kongresista mula 1949 hanggang 1957 at senador mula 1957 hanggang 1972. Mula 1965 hanggang 1967 ay pinamunuan niya ang Senado, bago itinalagang Minister of Foreign Affairs ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1984 – 1985.
Nang umigting ang panawagan kay Marcos na magbitiw sa pwesto kasunod ng pagpaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy" Aquino Jr., pumayag si Marcos na magkaroon ng snap election noong 1986 kung saan kinuha niyang Bise Presidente si Tolentino.
Nakalaban ni Marcos sa posisyon ng pangulo si dating Pangulong Corazon Aquino, habang si dating bise presidente Salvador Laurel ang nakaharap ni Tolentino.
Idineklarang panalo sa bilangan ng boto sina Marcos at Tolentino noong Pebrero 16, 1986 ngunit humantong sa People Power revolution ang lahat dahil sa alegasyong dinaya ni Marcos ang resulta ng halalan.
Sa kainitan ng rebolusyon, umalis ng Malacanang si Marcos at tinangka ni Tolentino na pamunuan ang bansa bilang kahaliling lider kung wala ang halal na presidente - pero nabigo sya. Pagsapit ng Pebrero 26, iginalang ni Tolentino ang pasya ng mga Filipino.
Muli siyang nakabalik sa Senado mula 1992 hanggang 1995 at pumanaw noong Agosto 2004 sa sakit sa puso.
Source
No comments:
Post a Comment