Monday, June 1, 2009

Bayaning sakay sa Flight 811 ng China Airlines

MANILA - Kilala nyo ba kung sino ang pasaherong sakay ng Flight 811 ng China Airlines na naging bayani dahil sa insidenteng naganap noong Agosto 21, 1983 na bahagi na ngayon ng kasaysayan ng Pilipinas.

Marcial Bonifacio ang nakatala sa passenger manifest ng F-811 ng China Airlines, ngunit ang tunay niyang pangalan ay Benigno S. Aquino Jr, na mas kilala sa tawag na “Ninoy."

Ang “alias" na Marcial Bonificio na ginamit ni Ninoy sa pasaporte na sinasabing ginawa sa Malaysia ay pinagsamang “Marcial" (para sa Matial Law na idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos) at “Bonifacio" (para sa Fort Bonifacio kung saan siya napiit noong rehimeng Marcos).

Umalis ng Pilipinas si Ninoy noong 1980 nang payagan ito ni Marcos na magpagamot sa United States para sa kanyang sakit sa puso. Mula noong ay hindi na siya pinabalik ng bansa at napilitang mag-exile.

Sa kabila ng mga banta na papatayin kapag bumalik sa Pilipinas, nagdesisyon si Ninoy na umuwi sa bansa noong 1983 dahil sa paglala ng kalagayan ng ekonomiya at rebelyon ng mga komunistang grupo.

Mula sa US, bumiyahe si “Marcial Bonifacio" patungong Taipei at pagkatapos ay Pilipinas. Sakay ng Flight 811 ng China Airlines, lumapag ang eroplano noong Agosto 21, 1983 sa dating Manila International Airport. Sa loob ng eroplano ay sinundo siya ng mga sundalo pababa sa tarmac.

Ngunit sinasabing hindi pa ganap na nakakatapak si Ninoy sa sahig ng paliparan ay binaril ito sa likod ng ulo. Itinuro ng mga sundalo na si Rolando Galman, isa umanong rebelde ang bumaril kay Ninoy. Ngunit sa isinagawang imbestigasyon ay nadiin ang mga sundalong sumundo kay Ninoy at nahatulang makulong ng habambuhay.
Source

1 comment: